Kamusta?
Uhm, sa totoo lang hindi ko alam ang magiging reaksyon ko nung narinig kong kinakamusta mo raw ako.
Halo yung emosyon nung gabing may nagbanggit sa akin na bigla ka nalang daw nag tanong.
Masaya, kasi napag-alaman ‘kong minsan ay naaalala mo pa pala ako.
Nakakatuwa lang kasi alam nating matagal na panahon na rin ang lumipas mula nung huli tayong nag tagpo. 2007 ba ‘yon? 2018? Kunyare hindi ko maalala kahit na alam ko sa sarili kong hindi ko naman malilimutan.
Pero balik tayo;
Malungkot kasi sa hinaba-haba ng panahon, bakit ngayon lang?
O sige, dahil nangangamusta ka, bayaan mong magkwento ako.
Nandito na ko sa Japan!
Nung March lang ako dumating dito. Sa una, nakakapanibago dahil sa klima.
Nung dumating ako dito, tag-lamig pa. Unang beses ko makakita ng nyebe. Naalala nga kita nun eh. Yung mga kwento mo sakin pag tag-lamig din diyan sa inyo. Nung binanggit mo na kailangan mong mag shovel ng snow na bumalot sa Subaru mo…
Naalala kita.
Nakatira ako dito mag isa. May sarili akong apato na maliit pero masaya akong tawagin siyang tahanan.
Iba din dito sa Japan. Kung sa atin ay meron akong kumportable at malambot na kama, dito naman ay sa papag ako natutulog. At sa oras na ‘yon, naalala ko na ikinwento mo sa akin dati na kumportable kang nakakatulog sa papag, at pinadalhan mo pa nga ako ng letrato na kuha ng nanay mo habang tulog ka lapag…
Naalala ulit kita.
Nung minsan din habang binabagtas ko ang kalsada mula sa Sapporo pabalik sa Niseko, sa talahiban ay nakakita ako ng mga kuneho…
Naalala nanaman kita.
Yung mga ganung kwentuhan natin dati.
Kahit ano, napapag-usapan natin.
Yung mga ganung kwentuhan natin dati.
Di alintana kahit magka-iba ang oras natin.
Yung mga ganung kwentuhan natin dati.
Tila wala tayong paki-alam kahit mapuyat dahil umaga dito at diyan naman ay gabi
Yung ganung kwentuhan natin dati
Sariwa pa sa alaala kahit ilang taon na rin ang nagdaan
Limot mo na yung mga ‘yon, malamang.
Yung mga ganung kwentuhan natin dati
Ay memorya na habang buhay kong bibitbitin
Nung narinig ko ang iyong pangangamusta, muli akong lumangoy sa karagatan ng ating mga alaala
Binabalikan ko mag-isa ang mga retaso ng kahapon natin
May tamis dahil ikaw ang unang babaeng pumukaw sa noo’y bata ko pang damdamin
May pait sapagkat hanggang ngayon ay hirap akong lunukin ang katotohanang parang kahit kailan… ay hindi ka mapapa-sa akin..
At hindi ko itatangging; madalas kong itanong ang katanungang “paano kaya kung?”
Kasi, kung iisipin, swak sana eh.
Pareho tayo ng kinalakihang musika, pareho tayong “emo” nung 2007. Hahaha shet, kung alam mo lang kung gaano ka kaganda sa paningin ko noong may one side kang bangs tapos kumakanta ka ng Emily ng From First To Last o kaya Seven Years ng Saosin.
Mga tugtugin natin noong kabataan.
Wala na nga pala tayo sa panahon na ‘yon.
Hanggang sa nabalitaan kong nag-ibang bansa na raw kayo…
Nung tumanda na tayo ay di ko inakalang magkakaron pa pala ng kasunod yung storya. Abala ako noon sa kung ano anong kagaguhan, tapos, ikaw nasa malayo, magulo ang utak ko at hindi ko sadyang masaktan ka.
Maniwala ka, hindi ko sadya.
Hindi ko sinasadya…
Kaya hindi rin kita masisi na nung minsang sinubukan kong magpa-abot ng aking kamusta, ay hindi mo na ako pinansin.
Yun na siguro ang hudyat.
Ang tuldok.
Ang katapusan ng storya natin.
Wala akong ibang balita sayo liban sa malamig mong sagot na ayos ka lang.
Malamig.
Parang lugar kung nasaan tayo.
Malamig.
Nanlamig na rin siguro ang iyong pag-tingin.
Bayaan mo, di na kita muling aabalahin pa
Sadyang di ko lang magawang limutin ka
Marahil mananatili sa habang panahon ang katanungan kong “paano kaya kung”, kasama ng aking mga likha, tula at liham na hindi mo nabasa
Hindi mo nabasa…
Pero sa kabila ng lahat, malaman mo sanang ginugunita kita
Sige, gabi na rin dito at umaga na diyan.
At kung sakali na ito na yung huling beses na makakausap kita
Nais ko sanang kunin ang pagkakataong ito pambawi sa mga pagkakatong sinayang ko.
Pambawi sa pinagsaluhan nating mga sugat mula sa mga nagdaang taon
Gusto ko lang…
Gusto ko lang sabihin…
Gusto ko lang na sabihin at malaman mo
Na ikaw… ikaw… ikaw ang Leonor Rivera sa aking Jose Rizal.
Inaalala kita.
Inaalala ulit kita.
Inaalala na naman kita.
Leave a comment